Humarap ako sa salamin sa banyo pagkatapos ng mainit na shower. Pinunasan ko ang singaw ng mainit na tubig na kumapit dito at pinagmasdan ang sarili. Nakahabol na nga sa akin ang mga nakaraang taon. Mukhang permanente na ang eyebags na dati'y lumalabas lamang kung ako'y puyat o umiyak. Halata na rin ang mga gatla sa tabi ng aking mga mata kapag ako'y nakatawa, dala malamang ng pagkaadik sa sigarilyo. At wag na nating pag-usapan ang buhok, at baka lalo itong mausog.
Sabi nila, men age gracefully. May mga nagiging mas gwapo, mas mature, mas matikas, mas may paniwala sa sarili, o mas may personalidad. Hindi ba't maraming Hollywood actors na napapanatili o kaya'y nahihigitan ang kasikatan sa kanilang pagtanda? Pero ganito rin ba ang kalakaran sa mundong ginagalawan ng mga katulad ko?
Pumasok ang aking asawa, at naghugas ng kamay sa lababo. Pinagmasdan ko siya. May kaunting puti na sa kaniyang buhok, ilang mababaw na gatla sa noo at pagitan ng dalawang kilay, at may kutis ng isang naninigarilyo. Hinaplos ko ang kaniyang mukha. Hanggang ngayon, di ko pa rin mapigilan ang ngumiti kapag siya'y nakikita. Na sa tuwing siya'y darating ng bahay, humahangos pa rin ako sa pinto para salubungin siya at akapin.
"Pangit!" pangungutya niya sa akin habang pilyong nakangisi.
Natawa ako. Ito ang unang salitang Tagalog na itinuro ko sa kaniya, mahigit walong taon na ang nakaraan. Mula noon, nakakabit na sa akin ang palayaw na ito. Pinagmasdan kong muli ang aking sarili sa salamin. Hindi na nga ako kasimbata nang una kaming magkita, pero hanggang ngayon, ako pa rin ang nag-iisang Pangit sa kaniyang paningin.
photo credit : vietbao.vn