Saturday, April 30, 2011

My Cookie Jar


Kaya nga ayaw kong nagsasasama sa aking kaibigan dahil napapagastos ako. Namakyaw siya ng mga gadgets na hilig nilang mag-asawa at binuyo akong maglustay naman ng kaunti para naman daw di ako umuwing luhaan. Malamang ay nahiya lang siya't nagmumukha akong porter sa pagbibitbit ng kaniyang pinamili.

Dahil sa pambobola ng aking kaibigan, napabili ako ng ilang shirts. Pinatulan ko na rin ang isang pares ng tsinelas na mukhang Chuck Taylors dahil hindi talaga komportableng maglalalakad sa suot kong stilettos. Sobrang bagay naman daw sabi ng OA kong kasama at kahit papaano ay may bitbit ako pabalik.

Nang makauwi, sinukat ko ang kapiranggot na pinamili at nag-show and tell sa aking asawa na nagkukunwaring hindi ako na-miss. (Teka, baka nga hindi ah.) Nagpatugtog ako ng Orinoco Flow ni Enya sabay rampa ng kaunti habang nag-eemote, channeling my katukayo Sean O'Pry.

"Did you buy anything that's age-appropriate?" tanong ng kontrabida, bago bumalik sa pagbubutinting ng kanyang gadgets. Ano daw? Age-appropriate? Ampf!!!! Hindi lang kaya pang tweens ito.

"Ha? Excuse me, uso ito at bagay daw sa akin!" bawi ko. Lumapit ako sa salamin at tiningnan ang sarili. O maganda naman itong super-hapit na shirt sa akin ah. Hindi naman halata ang aking (lunok) tiyan (gasp!). Di bale, bagay naman ang tsinelas. Napalingon dito ang aking asawa bago ito nag-roll ng kaniyang eyes.

Dahil pinagpawisan ako sa aking modeling gig, naisipan kong maligo. Pagkalabas ko ng banyo, napatda ang ang aking asawa. Bakas sa kaniyang mukha ang sabay na takot at pagkapahiya. Napangiti na lang siya sabay kamot ng ulo bago ibinalik sa kaniyang pinagkunan ang isinukat na shirt at tsinelas.

photo credit: flickr - mensmodeltalk

Friday, April 29, 2011

Pampalipas Oras

Gutom na ako. Mahigit tatlong oras na akong nakatayo sa pila, naghihintay, nagsasayang ng oras habang naambunan. Unti-unting nauubos ang aking pasensiya habang maya't maya akong natutusok ng payong ng katabi ko. Konti na lang at tutuhugin ko na siya ng dala kong golf umbrella, mula sa pwet labas ng lalamunan.

Ako ay computer illiterate. Marunong lang akong gumamit ng MS Office, e-mail, internet. Hindi ako marunong mag-Twitter. Wala rin akong account sa PR at ibang social networking sites na nababasa ko lang sa ibang blogs. Kalahating taon din lang ata mula nang una akong makabasa ng blog. Pawala na pati ang Friendster, di man lang ako nakagawa ng profile.

Wala talaga akong kahilig-hilig sa computers. Kaya naman hindi ko maintindihan kung paano ako nauto ng aking kaibigang sumama rito. Haist!



- Posted using BlogPress from my iPhone

Wednesday, April 27, 2011

Lumang Larawan


Inatake kamakailan ng pagka-OC ang asawa ko. Dahil sa paghahanda sa kanyang binyag sa paniniwalang Katoliko, nagpupurga siya ng mga baggage sa kaniyang buhay. Dahil sobra siyang excited, damay na rin ang mga abubot sa bahay. At gaya ng inaasahan, karamihan ng kalat ay sa akin.

Ang dami ko raw damit at sapatos na hindi naman ginagamit. Itatapon na raw niya para magkalugar para sa mga importanteng bagay sa buhay. Pa-deep ang loko. Nang sinabi kong pagpipilian ko ito ng ido-donate sa nangangailangan, pumayag naman. Dali-dali ko itong inimbak malayo sa kaniyang mainit na mga mata.

Pati yung laman ng aking baul at mga kahon ng sapatos na mga lumang litrato ay napagdiskitahan ng mokong. Itapon na raw ang mga ito at kalat lang. Di ako pumayag lalo na't wala sa akin ang negatives. Ang dami pa niyang inusisa kaya't ako'y nanood na lang ng pelikula sa kwarto upang makaiwas sa makulit.

Makalipas ang ilang oras, tinawag niya ako sa harap ng computer. Ini-scan pala niya ang daan-daang litrato. Umupo ako sa kaniyang tabi (ayaw niya akong kumandong) at aming pinagsaluhan ang aking nakaraan. Nung ako'y isang sanggol, kabataan naming magkakapatid, aking mga magulang, grad pics ng mga kaibigan at kanilang dedication sa likod.

Buo ang atensyon ng aking asawa sa unti-unti kong pagtanda sa harap ng computer at sa likod ng aking mga kwento. Hanggang sa umabot kami sa isang kuha sa isang restaurant. Kaming magkakapatid, kasama ang kanilang mga kabiyak. Lahat nakangiti sa kamera, pati na ang aking asawa.

"Una niyong pagkikita. Sa tingin mo alam na nila?" tanong ko sa kaniya. Sinapak ako ng kapwa ko tago sa pamilya, bago muling ibinaling ang kaniyang mata sa screen. Nangiti na lang ako, dahil kahit tapos na ang aking kwento sa larawang ito, matagal pa ring napako ang kaniyang paningin dito.

photo from here

Monday, April 25, 2011

Rolling In The Deep


Tinawagan ako kagabi ni Lea*. Malungkot siya at nagpapasama sa bahay. Medyo emosyonal ang kaibigan kong ito, at kailangang bantayan, lalo na ngayong nasubo sa hiwalayan sa kanyang boyfriend.

Sugod naman ako, dahil kung may fag hag, ako na ata ang hag fag (in the closet) na paboritong kaladkarin ng mga bilat. Hindi naman ako magaling magpayo. Makikinig lang nang tahimik, walang judgement, at yun din siguro ang gusto nila.

Pagpasok ko, ramdam ko na agad ang makalaslas-pulsong ambience ng kaniyang flat. Nakasara ang blinds, madilim, magulo ang mga gamit, amoy alak at sigarilyo, at may boses na pilit sumasabay sa Someone Like You ni Adele. Umupo lang ako sa kaniyang tabi at siya'y inakbayan.

Natapos ang kanta at nagsimula ang kasunod, Adele ulit. Muling bumirit si Lea, upang i-channel naman ang kaniyang galit sa dating kabiyak. Itinigil ko ang kanta at isinaksak ang aking iPod. Parehong kanta, iisang mensahe, ngunit malaki ang pinagkaiba.

Nagsimula ang tugtog at hinila ko siya patayo. Muling bumirit si Lea, nag-uumapaw pa rin ang galit. Ngunit may anino na ng ngiti matapos ko siyang sabayan sa kaniyang pagsasayaw, sukob ng kapanglawan.



*not her real name

photo from here

Sunday, April 24, 2011

Too Long, Too Late


Two years. That's how long the preparations took. Weekly indoctrinations by dedicated volunteers, regular readings, self-discovery, the list goes on. Two years can be a burden for some. As expected, a number from his batch dropped out.

Those left standing were deemed true to their intentions. And last night, all, including my life partner, were reborn of water and the Word. It is inspiring to see them heed His call and embrace the faith. I was simply born into it.

The narcissistic in me wanted to take the credit, insinuating my partner was influenced by the virtues and values that I demonstrated in our relationship. But I, an example of selfishness and pride, knew better.

I watched him quietly. Eyes closed, deep in prayer, awash with emotion, thankful. I had a fleeting recognition of myself from a distant past. I smiled sadly. I can't remember the last time I truly experienced Him. It's been too long, and maybe too late.

With the sign of the cross, my mid-aged husband opened his eyes and beamed at me. I smiled. It is never too late. Perhaps I too can still be reborn in my faith.

Happy Easter to all.

photo from here

Friday, April 22, 2011

Reflection


The holy week is supposed to be a time for reflection. But for an escapist like me, I am terrified of introspections and the epiphanies that they bring. Now I am happy, everything is rosy. Except for the occassional health issues, I like things the way they are.

You see, there is a danger of noticing things upon closer inspection. The painted backdrop. The artificial lighting that brightens everything and gives you that warm feeling. The rickety fan and its gentle breeze. The price tags on the plastic florae from SM. Subdued background music to enhance the magic.

But realizations have a way of creeping up on me. Perhaps I created this "reality"? Maybe I'll find traces of paint under my fingernails, SM purchases in my credit card bill, the same playlist in my iPod. And if I do, will these prove that everything is an illusion, or that we are actually in control of our happiness and destinies?

photo from here

Tuesday, April 19, 2011

Hiling


Isinuot ko sa siwang ang nakatiklop na kapirasong alay mula sa aking bulsa. Kumuha ako ng isa mula sa nakasalansang mga kandila at ipinatong ito sa hilerang pedestal. Isa, dalawa, tatlong kiskis bago nagliyab ang ulo ng posporo na aking inilapit sa mitsang agad namang umapoy.

Nagsimula itong malusaw at inilantad ang angking kabalintunaan. Ang natunaw na kandila ang siyang tumutustos sa apoy na tumutupok dito, ngunit ito rin ang nagpapahaba sa buhay ng maikling mitsa nito.

Hindi dapat ako dadalaw. Nandito rin ako noong isang taon. Meron akong hiling, na sinabayan ko na rin ng pamamakyaw ng mga miraculous relics, misa at dasal. Humingi ako ng himala, ang pagsalba ng isang buhay, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa akin. Sumama ang loob ko, at ito ay ikinahihiya ko.

Pinagmasdan ko ang kandila. Unti-unti itong naglawa. Nang tumulo ang unang patak, di na rin napigilan ang pagdausdos ng mga sumunod. Dinukot ko ang panyo sa aking bulsa at ipinahid ito sa aking mga pisngi.

Ngayon ko lang naintindihan. Hindi man ito ang aking hiniling, sapat na tibay ng loob ang himalang aking natanggap upang ang sakit ay aking kayanin.

Have a blessed week.

photo credit: popseoul.com

Saturday, April 16, 2011

Tuesday, April 12, 2011

Vacay



This is the life...

Just laying back, vegetating the whole day. The brightness shining from above enhancing the whiteness around me. Taking my time with a borrowed novel.

Food and drink are served with personalized service, thank you very much. I still can watch tv or access the internet if I wish to remain connected.

I guess the peak season has started. Place is packed with peeps chilling out like me. Good thing I updated my iPod playlist with some cool songs.

Yeah, this is the life...

Why then, dear doctor, does it smell like death in here?

photo from here

Thursday, April 7, 2011

Binati


Ito ang gusto kong sabihin sa kanya noon:

Nang kita'y aking awitan ng mali-maling lyrics sa sintunado kong boses, narinig mo rin kaya ang lungkot sa aking tinig. Nang mahimbing na ang iyong tulog at nagsimula ang iyong paghilik, naramdaman mo pa kaya ang pag-akap ko sa iyo nang mas mahigpit. 
Kung di ko pinatay ang ilaw nang tayo ay magtalik, nakita mo rin kaya sa aking mukha ang higit ko pang pagsisikap. Nang di kita pigilan noong ikaw ay magpaalam at pinilit kong ngumiti nang di ka magdamdam, nalaman mo pa kaya kung gaano ako nasaktan.

Isa ako sa mga taong hindi nawawala ang pagmamahal sa bawat taong naging malaking bahagi ng aking buhay. Kahit naging masakit sa akin na iniwan niya ako, kahit taon na ang lumipas, mahal ko pa rin siya.

Hindi naman siguro pagkakasala sa aking asawa. Baka nga hindi pagmamahal ang dapat itawag dito. Maaring ihambing siguro sa nararamdaman ng kilala kong nabaldado - ang anino ng dating naging bahagi ng kaniyang kabuuan. Kahit wala na ito, minsan ay nagpaparamdam. May kati, may kirot.

Anino na nga lang ito. Minsang nililingon, at napapangiti. Wala na ang pait, at pareho kaming nagmahal nang muli. Ngayon, gusto ko na lang iparating sa kanyang kaarawan ang maligayang pagbati.

photo credit: oneasianworld.com

Tuesday, April 5, 2011

Muta


Nakaalis na rin kami ng ospital kanina. Masarap palang maglakad-lakad sa umaga. Hindi pa sumisilip ang araw pero may liwanag na ang kalangitan. Presko ang panahon, amoy usok ng pagsisiga, at ang huni ng mga maya pa lang ang maririnig mo sa lansangan.

Parang ang tagal ko na kasing hindi naranasan ang itsura, pakiramdam, amoy, at ingay ng mga sinauna kong umaga. Kulang na lang ay maghain ako ng danggit, kamatis, sinangag, at tsokolate nang matikman ko na rin ang lasa nito.

Hindi ako nagsisisi na tumigil sa aking dating buhay. Laging nagmamadali, babad sa trabaho, nagpupuyat para lamang may oras na pansarili. Wala mang kita ngayon ay mas mulat ako sa mga simpleng bagay. Sapat na pala sa akin ang isang payak na buhay.

Ngunit hindi ko sarili ang aking pamumuhay. Maraming akuing responsibilidad sa pamilya na kailangang tustusan. Habang tumatagal, nauubos ang punagkukunan, at mas tumitindi ang udyok ng pangangailangan.

Unti-unting nagising ang kapaligiran, at dumami ang tao sa lansangan. Lahat nagmamadali sa patutunguhan, tulak ng personal na responsibilidad o pangangailangan. Di ko alintana ang tingin na ipinukol ng ilan sa bagal ng aking paglalakad sa makipot na daan. Saka na ulit ako makikipagsabayan.

photo credit: shirtlesssexyasian.blogspot.com

Monday, April 4, 2011

生日快樂 - 我愛你



Galit na galit ang aking asawa. Di niya mapigilan ang pagsermon sa akin. Hindi ko raw kasi siya pinapakinggan, at lahat ng bawal ay ginagawa ko pa rin. Naawa ako sa kanya, dahil bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala. At ganyan siya mag-panic, bago biglang magi-guilty sa kaninang pagkagalit.

Magkakasunod ang aking pagkakasakit at isinugod na niya ako sa ospital dahil sa aking pamimilipit sa sakit. Wala pa siyang tulog dahil sa pagbabantay sa akin. Makailang beses ko siyang nahuling ipinagdadasal ako. Nagawa rin niyang isingit na ipagsimba ako kaninang hapon.

Mahinahon na siya ngunit bakas pa rin ang pagtatampo sa kaniyang mukha. Bakit ko daw kasi hindi inaalagaan ang aking sarili. Lagi na lang daw tuloy akong nagkakasakit, lagi niyang inaalala. Paano na raw siya kung... Sasapakin daw niya ako kung di pa ako magpakatino.

Sa ospital na namin idinaos ang kaarawan niya. Walang handa, walang selebrasyon. Imbes na sa alak, nalango ako sa gamot, siya sa problema. Binati ko siya at ngumiti siya nang matamlay. Dahil sa pagkakasakit, di ko pa nabibili ang balak kong iregalo sa kanya. Tinanong ko na rin siya kung ano'ng gusto niya.

Naglitanya na naman ng ilang minuto ang mokong tungkol sa kalagayan ko bago lumambot ang kanyang mukha at nagmakaawa, "Please just come home with me."

photo credit: star.koreandrama.org

- Posted using BlogPress from my iPad
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...