Sunday, December 5, 2010

Ang Pagsikat Ng Mga Tala


Maingat kong itinali ang maninipis na mga patpat ng kawayan upang maiayos ang mga ito sa naaayong hugis. "Pwede mo nang lagyan niyan," turo ko kay Nene. Kumurot ng kapirasong pandikit ang bata at hinaplos ang kahabaan ng mga tadyang na kawayan.

"O Lito at Carlo, kayo naman," baling ko sa dalawa pang bata nang matapos si Nene. Marahan nilang inilapat ang mga makukulay na pira-pirasong cellophane gamit ang mga nanginginig na kamay. "Huwag kayong nerbiyosin. Makikita niyo mamaya, magiging maganda ito," konsuwelo ko sa kanila. 

"Kuya Sean, bakit lukot po yung cellophane? May mali po yata kaming ginawa," malungkot na tanong nina Lito at Carlo. Kumuha ako ng mamasa-masang basahan at marahang hinaplos ang mga gusot na cellophane. "Gawin niyo ito, pero dapat maingat kayo," paliwanag ko sa kanila. Matapos ang ilang minuto, natuyo ang cellophane at napangiti ang dalawa, sabay sigaw ng, "Ay nabanat! Yehey!"   

"Ting at Weng, tapos na ba kayo?" baling ko sa dalawa pang bata. "Opo Kuya," sagot nila sabay wagayway sa dalawang makukulay na buntot na ginawa nila gamit ang papel de hapon. "Itali niyo na dito sa ibaba. Yan ang bakas na iniiwan ng tala sa paglalakbay nito," paliwanag ko sa kanila. Matapos maitali ang mga ito, tulong-tulong naming isinabit ang nakumpletong parol, iniingatang di mabutas ng bumbilyang nakapaloob dito ang nakabalot na cellophane. 

Responsibilidad nating hubugin ang ating mga kabataan at bigkisin ang mga halagahang magsisilbing patnubay sa kanilang buhay. Magsilbi tayong gabay sa kanilang paglikom ng mga pira-pirasong karanasan at paghahanda sa mararanasang mga gusot at pagtutuwid ng mga ito. Imulat natin ang kanilang mga mata  sa kagandahan ng buhay at nang sila'y makapag-iwan ng makukulay na bakas sa kanilang paglalakbay.

Isinaksak ko ang plug ng koryente at nagliwanag ang samut-saring kulay ng parol. Namangha ang mga batang nakatingala sa malaking tala, sabay palakpak at sigaw ng, "Ang ganda Kuya!!!" Ako rin ay marahang pumalakpak habang nakatingin hindi sa parol kundi sa aking mga munting tala.

photo credit: care2.com

2 comments:

citybuoy said...

nainngit naman ako. i've always wondered what it's like to make one of those. siguro after seeing that giant parol sa masahista. but so far, all our decorations have been store bought. :c

Sean said...

@ citybuoy : at masahista pa pala ang naging inspiration :)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...