Sunday, November 21, 2010
Itim na Telon
Gamit ang mga munti at di-siguradong hakbang, unti-unti akong pumanhik sa hagdanan nang may pag-aagam-agam sa inaasahang pagkamulat.
Hinawi ko ang itim na telon.
Madilim. Tahimik. Mainit.
Amoy pawis. Maalat. Maasim.
Kinakabahan ako at napalunok bago pumasok ng lagusan. Walang dalawang pulgada ang aking nakikita sa aking harapan, ngunit unti-unti ring nasanay ang aking paningin sa kadiliman.
May liwanag na nagmumula sa malaking tabing ngunit aninag lamang ng mga laos nang artista ang makikita. Di rin malinaw ang mga katagang nagmumula sa mga basag na speaker. Mas malakas ang ingit ng makina ng malalaking bentilador kaysa sa ihip ng hanging nagmumula sa mga ito.
Maraming bakanteng upuan, ngunit maraming nakatayo sa pinakamataas na baytang. Gumapang ako sa dilim hanggang makarating sa dulo, na siya namang simula ng palibot ng prusisyon ng mga kalalakihan.
Amoy pawis. Maalat. Maasim.
Ako ay nakisama sa marahang parada. Umilaw ang ilang celphone at may mga nagsindi ng lighter sa aking mukha. Maraming nagtanong ng presyo at ilan ang namresyo. Marahan kong hinawi ang mga haplos sa aking pagkatao, habang pinagmamasdang mabuti ang bawat mukha na aking makasalubong.
May nakangiti, nakadila, nasa rurok ng kaligayahan. Ilan ang nagtatago sa likod ng hinubad na t-shirt, dibdib o puson ng kaulayaw, dilim o di kaya'y Ever Bilena. Nakarating ako sa dulo ng prusisyon ngunit wala siya.
Ako ay amoy pawis. Maalat. Maasim.
Naglakad ako patungo sa munting bitak ng liwanag malapit sa lagusang una kong pinasukan. Itinulak ko ang pinto. Napalingon ang lalakeng nakatayo sa harap ng lababo, pilit na ni binubura ang kulay flesh na mantsa sa dating puting pang-ilalim.
"Putangina!" direkta niya parehong kay Hanes at sa akin. Inakbayan ko siya at sinabing "alam kong nag-break kayo kanina, 'lika hatid na kita." Tahimik siyang sumama sa akin sa kabila ng itim na telon.
"Patatak kayo kung babalik pa," habol ng matandang aleng nagbabantay sa takilya.
"Salamat manang, pero uuwi na po kame."
photo credit: Davinia Miranda
Labels:
friendship
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
7 comments:
dilson? alta?
may ganun pa ba hanggang ngayon?
Bien, sarado na ang Dilson.
Baclaran Cinema?
Hahaha!
sa Recto.... Ginto!
kalurkey....
Ms. Chuniverse at Yj, salamat sa mga kasagutan pare sa mga tanong nina orally at MkSurf8.
sana may kaibigan din akong magsusundo sa kin mula sa kapahamakan...
@ viktor : ei salamat sa pagdalaw. i'm sure naman gagawin yan ng iyong mga kaibigan at mahal sa buhay.
Post a Comment