"Takbo Sean! Tangina! Bilisan mo't magtago ka!" sigaw ko sa aking sarili.
Kumaripas ako palayo. Hinawi ko ang mga kamay na pilit na kumakapit sa akin. Kaliwa, deretso, kanan. Di ko alam kung saan ako susuot. Nagkubli ako sa dilim. Humihingal. Pakiramdam ko'y sasabog ang aking dibdib.
Malas! Gusto kong i-umpog ang ulo ko sa pader. Unang beses kong pumasok sa ganitong lugar. Nangibang bansa pa ako nang magkalakas loob. Pero hanggang dito'y meron pa ring nakakilala sa akin.
"Wag kang matakot. Sa atin-atin na lang ito," bulong ng aninong katabi ko.
Muntik na akong mapasigaw sa gulat. Buti na lang at napigilan kong magmura. At sa kapiranggot na natitira ko pang presence of mind, pilit ko pa ring itinuloy ang aking pagkukubli.
"Sawasdee krub," matipid kong sagot sa kaniya.
"Aw c'mon, Sean. Look around you. Tayong dalawa lang ang tuli rito. Anyway, see you back in the office," ang sabi niya bago siya lumayo. Dali-dali akong nagbihis at bumalik na sa hotel.
Wala namang nagbago sa pakikitungo namin sa isa't isa sa opisina. Tulad ko, nagtatago rin siya. Sikreto ko'y mismong sikreto rin niya.
- = o 0 o = -
"Alam mo ba kung sino ang nagladlad na sa Amerika?" tanong ng kaibigan kong babae sa dinner namin kaninang magkakabarkada. Nangilabot ako sa isinagot niyang pangalan.
Halos isang dekada na ang nakakaraan mula nang gabing iyon, ngunit bigla ko pa ring gustong kumaripas ng takbo at magtago sa dilim. Buti na lang dumating ang waitress at naputol ang usapan. Inilapag nito sa mesa ang inorder kong Phad Thai.
"Kop khun kha," ang wala sa sarili kong nasambit sa kaniya.
photo from here

