Showing posts with label growing old. Show all posts
Showing posts with label growing old. Show all posts

Tuesday, June 21, 2011

Uncut


Affected ako. Iba kasi pag napansin mo ang iyong unang uban, o kung medyo umurong na ang iyong hairline. With these physical changes, you can come across a little wiser, more distinguished. Pero ang biglaang untamed growth ng iyong kilay, iisa lang ang ibig sabihin. Matanda ka na.

Hindi ko alam ang gagawin. Pag ginupit ko ba o binunot ang strays, lalo itong hahaba at kakapal? Summer pa naman dito. Ayokong umahon sa swimming pool na may kailangang hawiin from my face apart from my bangs! Hindi ko rin kayang i-brush up lagi at magkunwaring ganun kababa ang aking hairline.

Kinatok ng asawa ko ang pinto ng banyo. "Sandali lang!" kako. Bahala na kung isipin niyang nagme-Mary Palmer ako sa loob. I had to check thoroughly. Wala pa namang gray sa aking balbas at bigote. Ok, wala rin sa kili-kili at dun sa ibaba. Biglang bumukas ang pinto habang mukha kong kinukutuhan dun ang sarili ko.

"You ok? Ano'ng ginagawa mo?" tanong niya sa akin. Wala na akong choice kundi i-explain sa kanya ang aking kababawan. Tulad ng inaasahan, natawa lang siya. Kumuha siya ng suklay at maliit na gunting sa drawer and with a snip, ginupit ang aking problema.

Tinapik-tapik niya ang aking pisngi, habang pinagmamasdan ko ang aking sarili sa salamin. Napangiti ako sa kaniya. "O bukas kulot at pedicure naman ha."

photo from here

Sunday, February 27, 2011

Pangit


Humarap ako sa salamin sa banyo pagkatapos ng mainit na shower. Pinunasan ko ang singaw ng mainit na tubig na kumapit dito at pinagmasdan ang sarili. Nakahabol na nga sa akin ang mga nakaraang taon. Mukhang permanente na ang eyebags na dati'y lumalabas lamang kung ako'y puyat o umiyak. Halata na rin ang mga gatla sa tabi ng aking mga mata kapag ako'y nakatawa, dala malamang ng pagkaadik sa sigarilyo. At wag na nating pag-usapan ang buhok, at baka lalo itong mausog.

Sabi nila, men age gracefully. May mga nagiging mas gwapo, mas mature, mas matikas, mas may paniwala sa sarili, o mas may personalidad. Hindi ba't maraming Hollywood actors na napapanatili o kaya'y nahihigitan ang kasikatan sa kanilang pagtanda? Pero ganito rin ba ang kalakaran sa mundong ginagalawan ng mga katulad ko?  

Pumasok ang aking asawa, at naghugas ng kamay sa lababo. Pinagmasdan ko siya. May kaunting puti na sa kaniyang buhok, ilang mababaw na gatla sa noo at pagitan ng dalawang kilay, at may kutis ng isang naninigarilyo. Hinaplos ko ang kaniyang mukha. Hanggang ngayon, di ko pa rin mapigilan ang ngumiti kapag siya'y nakikita. Na sa tuwing siya'y darating ng bahay, humahangos pa rin ako sa pinto para salubungin siya at akapin.

"Pangit!" pangungutya niya sa akin habang pilyong nakangisi.

Natawa ako. Ito ang unang salitang Tagalog na itinuro ko sa kaniya, mahigit walong taon na ang nakaraan. Mula noon, nakakabit na sa akin ang palayaw na ito. Pinagmasdan kong muli ang aking sarili sa salamin. Hindi na nga ako kasimbata nang una kaming magkita, pero hanggang ngayon, ako pa rin ang nag-iisang Pangit sa kaniyang paningin.

photo credit : vietbao.vn
     
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...