Showing posts with label winter. Show all posts
Showing posts with label winter. Show all posts

Wednesday, January 5, 2011

Namaluktot Sa Kumot


Narito ako sa bansang kinalakihan ng aking asawa. Taglamig dito at dahil hindi ako sanay, nagtatago ako sa ilalim ng mga kumot upang mag-hibernate. Dala ng matinding ginaw, pakiramdam ko ay unti-unting... bumabagal ang tibok... ng aking... puso. Blagg!

Biglang bumukas at humampas sa dingding ang pinto ng banyo. Isinuka nito ang nanginginig kong asawa. Bagong ligo at umaaso, gumagapang papalayo sa kaniyang katawan ang nagkukulutang singaw ng init. Pinilipit niya ang twalya at ako'y pinitik. Araaayy!

Bumalik ang kirot sa aking dibdib. Mabilis na gumapang pababa sa aking sikmura. Hanggang sa di na ako makahinga. Na kahit wala nang hangin sa aking baga ay pilit pa rin itong pinupurga. Sa gitna ng aking paghangos, napagtanto ko na sa aking paglayo, di ko pa rin natakasan ang pagpanaw ng isang mahal sa buhay. Nalunod ako sa kalungkutan, at tinakpan ko ng unan ang impit na paghikbi. Mmmmph!

"Huminga ka," bulong ng aking asawa, sabay hagod sa aking likod habang mahigpit niya akong yakap. "Ganito," at huminga siya ng malalim para sa aming dalawa. Paulit-ulit. Unti-unting lumalim ang dating mga singhap, hanggang natuto akong sumabay sa kaniya. Iniahon niya ako mula sa ilalim ng pinagtataguang mga kumot at binihisan upang sabay naming harapin ang dumating na taglamig.

photo credit : flickr.com - mestes76
 
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...